
Battered child ako. Ung kuwento ng isang baklang bata na ginugulpi ng kaniyang sundalong ama, kuwento ko rin un.
Ilang beses akong pinagbuhatan ng kamay ng tatay ko para daw matuwid ang aking landas. Lalaki daw ako, hindi babae. May lawit na dapat gamitin sa babae.
Pero bata pa lang ako, alam ko na iba ako sa karaniwang lalaki. Kinakabahan ako kapag magkatabi kami sa pila ng pinakamatangkad kong kaklase nung kinder. Tatlo kaming matatangkad sa klaseng iyon ni Mrs. Bunag: ung nognog na me kulot na buhok, ako, at ang pinakamatangkad na. Aliw na aliw ako sa bag niyang korteng hayop. Gustong-gusto ko na magkaroon ng ganun ring bag.
Sa kalaunan, hindi na lang bag na korteng hayop ang gusto kong magkaroon ako. Gusto ko na ng mismong pinakamatangkad (John Michael). Pinakamaliit (Chuvasco). Pinaka-cute(Jorell). Pinakamatalino (Salvador Dennis). Pinakamacho (Aristeo). Mas tumindi ang kaba ko kapag napapalapit sa kanila.
Ngunit mas nagalit ang tatay ko. Tumindi ang mga latay sa aking balat. Mas lumakas ang kaniyang boses sa mga panaginip ko: Lalaki ka. Lalaki ka. Lalaki ka.
Pagdating ko ng highschool, natuto na akong magkunwari sa kaniya. Na-master ko. Tibo ang tawag ko sa sarili: lalaki ang kilos sa bahay, girlie naman sa school. Mas naka-relate ako sa mga ikinikilos ko dahil marami akong katulad nung highschool. Sa section pa lang namin, mas marami pa kami sa lima. At hindi lang kami malalanding bakla! Matatalino kami. First section palagi (alam ko hanggang ngayon ay napaka-proud ng adviser namin sa aming lahat).
Highschool kami nagkita ng bestfriend ko hanggang ngayon na si Paul Allan. Ikinumpara ko ang sarili ko sa kaniya. Bakit siya, mas mapilantik sa akin, ay ni hindi nasisista ng kaniyang ama? Ang ama niya na palaging sinusundo siya sa motorsiklo. Ang ama niya na kini-kiss niya pag papasok na siya sa loob ng paaralan. Ang ama niya na sinasabihan siya palagi ng "I love you."
Alam ko sa loob ko na balang araw ay ipagmamalaki rin ako ng tatay ko. Mamahalin ng lubos. Nagsipag ako sa pag-aaral. Dumating ang panahon ng aming pagtatapos, at me award akong nakuha bilang isa sa matatalinong magtatapos ng highschool.
Class Prophet.
Tuwang-tuwa ang tatay ko! Alam kong hindi nasayang ang paghihirap niya sa akin. By this time, natigil na ang mga pisikal na abuso sa akin. Nag-mellow na. Ito na rin ang mga panahong nagkakaroon kami ng bonding time, katulad ng siya ang nagturo sa aking magluto. Ewan ko, siguro ito ang katuparan ng hiling ko kada New Year's Eve, na sana, kahit papaano, magbago ang ugali ng tatay ko. Nangyari nga. Salamat sa Diyos.
Ganun pa man, nagpatuloy ang mga pagpapaalala na lalaki pa rin ako. Pero malaki na ako at mas naging firm ako sa pagsasabing kakaiba ako.
Kakaiba ako kaysa sa iyo, tatay. At salamat sa iyo na mas naging matatag ako. Nauunawaan kita, pero hayaan mo ako sa pagtuklas ko ng natagpuang landas. Sa kadiliman ng landas na ito, kailangan kita bilang liwanag ko. Kailangang-kailangan.
Music :: Naked - Spice Girls
Mood :: contemplative
Anything?
